O

ANO ANG QUR’AN?

Ang salitang “Qur’an” ay isang ‘pangngalang makadiwa’ na may pagkakatulad sa kahulugan ng salitang qirā’ah, sapagka’t ang parehong salitang ito ay nagmula sa pandiwang qarā’a na ang ibig sabihin ay basahin o bigkasin.

 

Gayunpaman, batay sa kasaysayan, ang terminong Qur’an ay tuwirang tumutukoy sa Aklat na inihayag ng Allah sa pamamagitan ng Kanyang Mensahero na si Angel Jibrilu kay Propeta Muhammadr nang pakaunti-pakaunti sa loob ng 23 taon.

 

“Sabihin mo (sa kanila O’Muhammadr); ‘Ang Ruhul Qudus (Banal na Espiritu na si Anghel Jibril) ang nagbaba ng Qur’an na ito mula sa iyong Rabb nang makatotohanan, upang maging matibay at mapatatag (ang pananampalataya) ng mga naniwala at bilang isang pamamatnubay at magandang balita sa mga yaong isinusuko ang sarili (sa Allah bilang mga Muslim).” Surah An-Nahl, 16:102

 

“ At katotohanan na (ang Qur’an na) ito ay isang rebelasyon mula sa Rabb ng al-Ālamin, na ibinaba ng ‘Ruhul Amin’ (ang Mapagkakatiwalaang Espiritu na tumutukoy din kay Anghel Jibril) sa iyong puso (O’Muhammad), sa wikang Arabic, upang ikaw ay maging isang tagapagbabala. At katiyakan, ito (ang Banal na Qur’an at pagkakahayag nito kay Propeta Muhammad) ay binanggit sa mga kasulatan (i.e. sa Tawrah at sa Injeel) ng mga naunang tao.” Surah Ash-Shu’ara, 26: 192-196

 

Sa tuwing may magaganap na suliranin o sa tuwing nanaisin ng Allah na magbigay ng natatanging payo kay Propeta Muhammadr at sa kanyang mga Sahabāh (kasamahan), isusugo ng Allah si Anghel Jibril na may ilang bahagi ng Qur’an at pagkatapos ito ay bibigkasin niya kay Propeta Muhammadr. Na samakatuwid, ang Qur’an ay hindi inihayag nang minsanan lamang sa kumpleto nitong kabuuan, na tulad ng mga naunang Aklat ng Rebelasyon, kundi ito ay baha-bahagi na inihayag sa loob ng ilang panahon. Batid natin na si Muhammadr ay hindi marunong bumasa at sumulat kaya napakahalaga sa kanya na maisaulo niya ang bawa’t rebelasyon na ihahayag sa kanya.

 

Noong una, kapag binabasa ni Anghel Jibril ang ilang bahagi ng Qur’an sa kanya, sinisikap ng Propeta na bigkasin ito kaagad pagkatapos itong basahin sa kanya; salita bawa’t salita. Subali’t nang lumanon, sinabi ng Allah kay Anghel Jibril na sabihin sa Propeta na huwag ganito ang pamamaraan na gawin niya, sa halip ay pakinggan niya munang maige ang pagbibigkas ng Qur’an bago niya ito bigkasin.nang ginawa ito ng propeta, sinanhi ng Allah na magkaroon siya ng kakayahan na maalaala at maisaulo itong lahat nang walang kahirap-hirap sa kanyang panig.

 

Sinabi ng Allah sa Qur’an: “Huwag mong igalaw ang iyong dila upang dali-daling (matutunan) ito. Katiyakan lilikumin Namin ito at ipagkakaloob sa iyo (O’Muhammad) ang kakayahan na mabigkas ito (Qur’an). Na kung kaya, kapag binigkas na Namin ito sa iyo (o’Muhammad sa pamamagitan ni Anghel Jibril), ay saka mo sundan ang resaytal o paglalahad nito. Nasa sa Amin na gawin itong maliwanag (sa iyo).”  Surah al-Qiyaamah, 75: 16-19

 

Sa tuwing makakatanggap siya ng rebelasyon mula kay Anghel Jibril ay inuutusan siya na ipasulat niya ito sa kanyang mga tagasulat batay sa tagubilin o ‘instruction’ sa kanya. Kung papaano niya ito ipinasulat ay gayundin ang pagkakasa-ayos nito sa ngayon. Gayunpaman, ang Qur’an ay inihayag na tulad nang pagkakasunod-sunod na kaayusan nito sa ngayon, kundi inihayag ito nang pakaunti-pakaunti, batay sa mga pangyayari o kung nanaisin ng Allah na bigyan sila ng natatanging payo, na tulad ng nabanggit sa una. At taun-taon sa tuwing buwan ng Ramadan ay binibigkas niya ito sa harapan ni Anghel Jibril. At sa dakong huli ng kanyang buhay, bago siya pumanaw ay binigkas niya nang dalawang beses ang buong Qur’an sa harapan ni Anghel Jibril.

Naibahagi ng Propeta ang buong Qur’an sa kanyang mga Sahabah bago siya namatay. Gumamit siya ng iba’t ibang pamamaraan upang makatiyak na naisaulo nila ito at naitala, na tulad nang pagkakapahayag sa kanya:

                             1.) Binibigkas nang malakas ng Propeta ang mga talata ng Qur’an sa oras ng Salah (sa Jama’ah o mga kongregasyon na mga Salah.) Sa ganitong paraan ay makakasanayan nila na naririnig ang mga bahagi ng Qur’an araw-araw.

                             2.) Ang bawa’t yumayakap ng pananampalatayang Islam ay tinuturuan ng Qur’an, na kanilang ginagamit naman o isinasama sa kanilang pang-araw-araw ng pagsa-Salah.

                             3.) Ipinabatid din ng Propeta sa kanyang mga tagasunod na ang pinakamagaling sa kanila ay yaong pinag-aaralan at itinuturo ang Qur’an. Na kung kaya, nahihimok sila na gumawa nang higit pang pagsusumigasig upang maisaulo nila ang Qur’an at maituro sa iba.

                             4.) Yaong mga may kakayahan sa kanila na magsulat at magbasa ay pinagsasabihan ng Propeta na isulat ang mga iba’t ibang bahagi ng Qur’an na tulad ng pagkakapahayag nito sa kanya. Sinabi rin ng Propeta kung papaano itatala ang mga talata ng Qur’an ayon sa pagkakasunod-sunod na ayos nito.

 

Bagama’t wala pang papel sa Arabia noon, ang mga talata ng Qur’an ay naisulat sa mga dahon ng ‘date palm’ (o mga palmera ng datiles), sa mga lapad na bato, sa mga kahoy, o di kaya ay sa mga balat ng kahoy, sa mga pinatuyong balat ng hayop at maging sa mga buto ng tupa o mga kamelyo (yaong mga malalapad na buto na nasa balikat ng mga ito) ay pinagsusulatan din. Sa ganito, napanatili ang mga talata ng Qur’an sa mga puso ng mga mananampalataya.

 

Noong namatay ang Propeta sa taung 632 C.E. (Christian Era), ang buong Qur’an ay hindi pa naiisulat bilang isang buong Aklat. Ito ay nakasulat lamang sa iba’t ibang piraso ng mga materyal na mayroon noon at nasa pagmamay-ari ng iba’t ibang Sahabah ng Propeta. Dahil noong mga panahong yaon, ang mas pinagtutuunan ng pansin ng mga Sahabah ay ang pagtatala at pagsasaulo nito, kaysa ilikom ito at pagsama-samahin sa iisang Aklat. At hindi rin maikakaila ang katotohanan, na Banal na Qur’an ay patuloy na inihahayag hanggang sa ilang buwan na lamang bago mamatay ang Propeta Muhammadr.

 

Napagsama-sama lamang ito bilang isang Aklat noong kapanahunan ni Khalifah Abu Bakr, sa pangangasiwa ni Zayd ibn Thabit. Siya ang naglikom ng lahat ng mga materyal na pinagsusulatan ng mga talata ng Qur’an at pagkatapos ay tinipon din niya ang lahat ng mga nakasaulo nito o yaong mga maraming naisaulo ng bahagi ng Qur’an. Tapos ay inihambing niya sa kung ano ang nakasulat na nasa kanya sa mga naisaulo ng iba. Kapag ang lahat ay nagkasundo, isinusulat niya ito sa mga pahina ng mga balat (ng hayop).

 

Sa ganitong paraan naisulat ang Qur’an at noong mabuo na ang pagkakasulat nito, ibinigay ito ni Zayd ibn Thabit kay Khalifah Abu Bakr na siyang unang pinuno ng mga Muslim pagkamatay ng Propeta. Nanatili ito sa kanya hanggang sa siya ay mamatay. Pagkatapos ay napunta ito sa kanya hanggang sa siya ay mamatay. Pagkatapos ay napunta ito sa pag-iingat ni ‘Umar, ang ikalawang Khalifah na siyang humalili naman sa kanya. Nasa kanyang pangangalaga ang kopya ng Qur’an sa loob ng 10 taon, hanggang sa siya ay mapatay ng isa sa mga munafiq (o mapagkunwari). Na kung kaya, ito ay napunta sa pag-iingat ng kanyang anak na si Hafsah, isa rin sa mga asawa ng Propetar. Itinabi ni Hafsah ang Qur’an; malaya ang sinuman na magnanais na kumopya mula rito, o kung sakaling nais nilang suriin ang pagiging wasto ng kanilang mga naisaulo.

 

Nang lumawak na ang ‘Islamic Estate’sa kapanuhan ni Khalifah Othman bin Affan, lumabas na ito sa hangganan ng Arabian Peninsula mula sa Egypt, Syria at Iraq. Umabot na rin ito sa Persia, India, Russia, China, Turkey hanggang sa kabilang ibayo ng South Africa. Maraming mga tao mula sa mga lugar na ito ang tumanggap ng Islam at pinag-aralan ang pagbasa ng Qur’an mula sa mga naunang Muslim. Upang mapanatili ang tamang pamamaraan ng pagbabasa nito, batay sa pagkakapahayag sa Propetar, nagpasiya si Othman na hiramin ang orihinal nitong kopya kay Hafsah at mula rito ay gumawa sila ng 7 opisyal na kopya, na pinangunahang muli ni Zayd ibn Thabit kasama ang ilang mga Pantas sa Qur’an. Nang makumpleto na nila ang pagkaka-kopya rito, muli nilang ibinalik kay Hafsah ang orihinal.

Mula sa pitong kopyang ito, ang isa ay ipinadala nila sa Makkah, ang isa ay sa Syria, ang isa ay sa Basrah, ang isa ay sa Kufah, ang isa ay sa Yemen, ang isa ay sa Bahrain, at ang isa ay inihabilin nila sa kapital o kabisera, ang Al-Madeenah. Sa bawa’t kopya ng Qur’an na ipinadala sa bawa’t lugar ay may kasamang isang Maalam sa pagbibigkas ng Qur’an upang magturo sa kanila, nang ganoon ay maiwasan ang anumang problema na maaaring mangyari sa darating na panahon.

 

Ang mga Muslim noon ay mayroong mga nakatabing mga personal nilang kopya ng mga bahagi ng Qur’an, bale ito iyong mga nalikom nila. Subali’t, dahil sa mayroon na ngang opisyal na kopya ng Qur’an, na kung kaya, inutusan silang lahat na sunugin ang kanilang mga personal na kopya, nang sa ganoon ay maging malinaw ang lahat at maiwasan ang fitnah (kaguluhan). Samakatuwid, sinunog nilang lahat ang kanilang mga personal na kopya, at ginawa nilang basehan ang opisyal na kopya na pinagkasunduan ng lahat, na tinawag na Mus-haf Othman.

 

Sa ganitong paraan napangalagaan ang Qur’an mula sa pagbabago at pagkawala: Sinabi ng Allah sa Qur’an: “ Katiyakan, Kami ang nagbaba ng Dhikr (i.e. ang Qur’an) at katiyakan na pangangalagaan Namin ito (mula sa katiwalian)”. Surah Al-Hijr, 15: 9

 

ANG PAGHAMON NG ALLAAH SA BANAL NA QUR’AN

“ Sabihin mo (sa kanila): Kung ang lahat ng mga tao at mga jinn ay magtitipun-tipong lahat upang gumawa ng katulad nitong Al-Qur’an, hindi sila makagagawa ng katulad nito, kahit na magtulungan pa sila sa isa’t isa.” Surah Al-Isra 17: 88

 

“At kung kayo (na mga Arabong pagano, mga Hudyo at mga Kristiyano) ay may anumang pag-aalinlangan, hinggil sa Aming inihayag (ang Qur’an) sa Aming alipin (na si Muhammad), samakatuwid ay gumawa kayo ng isa man lamang na Surah (kabanata) na katulad nito; at tawagin ninyo ang inyong mga testigo (mga tagapagtaguyod at makatutulong) maliban sa Allah, kung kayo ay matapat. Subali’t kung ito’y hindi ninyo magagawa, at bilang katiyakan kailanma’y hindi ninyo ito magagawa—kung gayon, katakutan ninyo ang Apoy na ang panggatong ay mga Tao at bato, --na inihanda para sa mga yaong tumanggi sa katotohanan. At bigyan ng magandang balita yaong mga naniwala at gumawa ng mga mabubuting gawa, na ang para sa kanila ay mga Hardin na sa ibaba ay mga ilog na umaagos”. Surah Al-Baqara: 2:23-25.

 

ANG QUR’AN AY ISANG GABAY AT DAKILANG AKLAT

“Ang Qur’an na ito ay isang dakilang Aklat na katiyakang nagmula sa Allah, na kung kaya huwag ninyong pag-alinlanganan ang mga nasa loob nito. na ang tanging makikinabang ng patnubay nito ay ang mga may takot lamang sa Allah—ang mga Al-Muttaqun (mga taong matatapat, relihiyoso/ relihiyosa, na kinatatakutan nang labis ang Allah sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng uri ng kasalanan at masasamang gawain na Kanyang ipinagbabawa, at labi-labis na minamahal ang Allah sa pamamagitan ng paggawa sa lahat ng mga uri ng kabutihan na Kanyang ipinag-uutos) at ang mga sinusunod ang Kanyang batas.” Al-Baqara 2:2

                                                

“Katiyakan ang Qur’an na ito ay nagpapatnubay sa pinakamakatarungan at pinakatumpak, at nagbibigay ng magandang balita sa mga naniwala at gumawa ng mga mabubuting gawa, na sila ay magkakaroon ng dakilang gantimpala (ang Al-Jannah).” Surah Al-Isra 17:9

 

ITO AY ISANG LUNAS AT HABAG SA MGA NANIWALA

“At Aming ibinaba ang Qur’an bilang lunas at habag sa mga naniwala at wala itong naidaragdag na anuman sa mga ‘dzalimun’ kundi pagkatalo. Surah Al-Isra 17:82

 

“Subali’t kung sinumang ang tumalikod mula sa Aking ‘Dhikr’ (Qur’an); katiyakan, ang para sa kanya ay mahirap na pamumuhay (sa daigdig), at Amin siyang ibabangon na bulag sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Sasabihin niya: O aking Rabb! Bakit Mo ako ibinangon na bulag, samantalang mayroon akong paningin (noon). Sasabihin ng Allah: “Katulad ng (pagpapabaya na iyong ginawa): ang Aming mga Ayat ay dumating sa iyo, subali’t ipinagsawalang bahala mo ito, na kung kaya sa Araw na ito, ikaw ay pababayaan (sa Impiyernong Apoy, malayo mula sa habag ng Allah).” Surah At-Taha 20: 124-126

 

 

 

“O mga anak ni Israel! Gunitain ninyo ang Aking kagandahang loob na Aking ipinagkaloob sa inyo, at tuparin ninyo ang inyong Kasunduan sa akin at Aking tutuparin ang Aking Kasunduan sa inyo at walang dapat katakutan kundi Ako. At maniwala sa aking ibinaba (ang Qur’an na ito), na kinukumpirma (o pinatutunayan) kung ano ang nasa inyo (ang ‘Tawrah’ at ang ‘Injeel’) at huwag na kayo pa ang unang hindi maniniwala sa bagay na iyon at huwag ipagbili ang Aking mga Talata (ang ‘Tawrah’ at ang ‘Injeel’) sa napakamurang halaga, at katakutan Ako at Ako lamang. At huwag haluan ang katotohanan ng kamalian, ni itago ang katotohanan (na si Propeta Muhammadr ay Sugo ng Allah at ang kanyang mga katangian ay nakasulat sa inyong mga Kasulatan—ang ‘Tawrah’ at ang ‘Injeel’) samantalang (ito’y) alam ninyo.Baqarah 2:40-42.

 

“At ang Qur’an na ito ay hindi kailanman magagawa ng iba maliban sa Allah (ang Rabb ng mga kalangitan at kalupaan), kundi ito’y kumpirmasyon o pagpapatotoo (sa mga rebelasyon) na nauna rito (i.e. ang Tawrah, ang Injeel, at ganap na pagpapaliwanag ng Aklat (i.e. mga batas, mga ipinag-utos para sa sangkatauhan)---na kung saan ay walang pag-aalinlangan na nagmula sa Rabb ng mga Al-Alamin.” Surah Yunus 10:37