Walang relihiyon na makapagliligtas sa tao, ang kailangan lamang niya ay mayroon siyang Faith o paniniwala, pagkatapos nito ay ligtas niya.

 

Unang-una ay dapat muna nating mabatid ang ibig sabihin ng relihiyon. Ano nga ba ang ibig sabihin nito? Kailangan ba talagang mayroong relihiyon o sapat na nga ang maniwala lamang at ito ay sapat na? Muli ay aking ipinapauna na sa paghahanap ng katotohanan, tayo ay nangangailangan ng bukas na kaisipan at malinis na layunin na malaman ang tunay na katotohanan base sa matibay na panuntunan o basehan.

 

Kapag pinag-usapan natin ang tungkol sa relihiyon, pansamantala nating isantabi ang mga maling kaisipan o pananaw at ating unawain ang bawat paliwanag na ating mapapakinggan. Sa labas ng Islam, o sa mga kanluraning bansa at sa mga nasakop ng mga ito, kapag pinag-usapan ang deen (na isinalin na Relihiyon), ang sasagi sa kaisipan ng mga tao na ito ay relasyon lamang o pakikipag-ugnayan lamang ng tao sa kanyang Tagapaglikha, ito ay personal na bagay lamang.

 

 Sa madaling salita, sa labas ng Islam, hiwalay ang relihiyon sa pamumuhay ng tao. Ini-iisang tabi nila ang relihiyon, hindi ito kasama sa pamamahala sa mga tao o sa pamahalaan. Ang sistema na kanilang pinaiiral sa kanilang lipunan ay hindi batas ng Tagapaglikha kundi batas na gawa lang nila, pinalalabas nila na mas matalino ang tao kaysa sa lumikha sa tao.

 

Sa Islam, ito ay ang relasyon o pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang Tagapaglikha; sa kanya mismong sarili, sa kanyang kapwa at sa kanyang kapaligiran. Kaya kahit na sabihin ng isang tao na wala siyang relihiyon o hindi siya maililigtas nito, sa katotohanan basta siya ay mayroong panuntunan o batas na sinusunod, sa ayaw at sa gusto niya siya ay mayroong relihiyon. Ang relihiyon ay ang katalogo ng sangkatauhan; ang salamin o ang pamantayan ng isang tao, upang mailagay ang kanyang sarili sa lugar na dapat niyang kalagyan na pinili ng Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha. Ang mga batas, kautusan at mga panuntunan nito ang siyang nagsisilbing gabay sa isang tao sa pagtahak niya sa matuwid na landas na ipinag-utos sa kanya ng kanyang Tagapaglikha.

 

Kaya nga, ang paniniwala ay hindi sapat kung walang bagay na magpapakita ng iyong paniniwala. Hindi sapat na maniwala lamang, pwede bang sabihin na naniniwala tapos ay hindi naman niya isinasagawa ang mga batas at kautusan?

 

 Sinabi ng Allah sa Qur’an- Surah Al-Asr, Chapter 103:2-3: “katiyakan ang Tao ay magiging talunan. Maliban sa naniwala (sa kaisahan ng Allah) at gumawa ng mga mga mabubuting gawa, at nagpayuhan sa isa’t isa ng katotohanan at nagpayuhan sa isa’t isa na maging matiisin.” Kung papansinin natin ang mga pahayag, kailangang maniwala muna tapos ay sundan ng mga paggawa ayon sa paniniwala. Hindi rin naman sapat ang gawa lang ng gawa tapos ay wala namang paniniwala, ito ay hindi pwedeng paghiwalayin—paniniwala at paggawa ayon sa paniniwala.

 

Tingnan din natin ang sinabi sa Biblia ayon sa sulat ni Santiago: Sa Kabanata 2:14: “Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa. Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya?” 

 

sa 2:17-20:

 “Gayon din naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. ngunit may nagsasabi, may pananampalataya ka at may gawa naman ako. Sagot ko naman, ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kalakip na gawa, at ipapakita ko naman sa iyo sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya. Sumasampalataya ka sa Diyos, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin- at nangangatal pa. Ibig mo bang patunayan ko sa iyo hangal, na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kalakip na gawa? 

 

sa 2:24: “Diyan ninyo makikita na ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang”.

 

Sa 2:26: “Patay ang katawang hiwalay sa espiritu; gayon din naman, patay ang pananampalatayang hiwalay sa mga gawa.”

         

Maililigtas lamang insha-Allah ng isang tao ang kanyang sarili kung susunod siya sa tamang relihiyon na hindi ginawa ng tao kundi ang Nag-iisang Tunay na Diyos ang nagbalangkas, gumawa at pumili para sa mga tao ng kanilang landas na dapat tahakin upang makamit nila ang Kanyang pagpapala, biyaya at kapatawaran. Ang paniniwala ay dapat na tama upang tama rin ang mga gawaing magagawa.