O

Tunay na Layunin ng Ating Buhay..

 

Ano nga ba ang tunay na layunin at mithiin ng ating buhay? Ninais ba nating mabuhay dito sa daigdig, pagkatapos ay tayo rin ba ang may kagustuhan na tayo ay mamatay? Ano nga bang talaga ang dahilan ng pagkakalikha sa atin at bakit tayo ipinadala dito sa daigdig, at ano ang mangyayari at naghihintay sa atin sa kabilang buhay?

 

Ito ay ilan lamang sa mga katanungan na kalimitan ay sumasagi sa ating mga kaisipan. Ang ilan ay nagbigay ng kani-kanilang pananaw at pahayag hinggil dito. Pinaniniwalaan ng ibang tao na ang layunin ng ating buhay dito sa daigdig ay upang magkamit lamang at magkamal ng salapi at kayamanan. Subalit ang mga ganitong klase ng tao ay hindi nakababatid kung ano ang nasa dako pa roon pagkatapos nilang makuha ang kayamanan na kanilang minimithi. Pagkatapos ng lahat ng pagsisikap, pagkatapos makamit ang kayamanan, ito na ba ang matatawag na tagumpay ng buhay? Ang pagiging api ba at ulila, ang pagdanas sa lahat ng paghihirap, paghihikahos at ang pagkabigong makamtan ang mga pangarap dito sa daigdig ay masasabi bang tunay na pagkabigo at pagiging isang talunan? Ang mga pasasa sa kayamanan at karangyaan, mapang-api, ang mga naghahari-harian, mga nakapag-aral, sikat, kinikilala at hinahangaan, tinitingala ng lipunan; sila ba ang tunay na mga nagtagumpay? Dito na ba nagtatapos at magwawakas ang mga layunin natin sa buhay?

 

Kalimitan nating naririnig sa mga balita at nababasa sa mga peryodiko ang mga balitang ukol sa mga milyonaryong nagpakamatay at winakasan ang kanilang buhay. Kung hindi man sila, magkaminsan ay isa sa miyembro ng kanilang pamilya. Bakit nangyari ang ganito? Bakit kahit nasa sa kanila na ang lahat ng kayamanan ay nagagawa pa rin nilang kitilin ang sarili nilang buhay? Ang katanungan ay ganito, ang kayamanan ba o ang pag-aambisyong magtagumpay sa larangan ng buhay dito sa daigdig ay nagbibigay ng kasiyahan at katiwasayan sa damdamin ng isang tao? Ang kasagutan ay kalimitan ding HINDI. Batid naman natin na ang isang limang taong gulang na bata ay hindi naghahangad o naghahanap ng kayamanan. Bagkus mas gusto pa niya ang isang laruan keysa sa isang milyong dolyar. Ganoon din ang isang nubentang taong gulang na matanda, mas pahahalagahan pa niya ang kanyang kalusugan keysa sa pera na ating ihahandog sa kanya. Ito ay ilan lamang sa mga patunay na ang kayamanan at salapi ay hindi maaaring maging tunay na dahilan o ang pinaka-importanteng layunin ng isang tao.

 

Ang kayamanan at karangyaan ay maghahatid lamang ng kaunti at pansamantalang kaligayahan sa mga taong nagpapasakop o nasisilaw sa kinang ng kayamanan. Kung batid lamang sana niya kung ano ang magiging wakas at kahihinatnan ng kanyang buhay; hinding-hindi niya papayagan at papahintulutan na masakop siya ng mga makamundong bagay na magdudulot sa kanya ng matinding kapighatian at magbubulid sa kanya sa kaparusahan sa kabilang buhay.

 

Sa kabilang banda, ang paniniwala at pananalig sa Allah- sa Nag-iisang Tagapaglikha, ay nagbibigay ng malinaw na gabay upang makamtan ng isang naniniwala ang tunay na layunin ng kanyang buhay at kung paano niya ito makakamtan. Ipinahayag ng Allah sa Kanyang mga nilikha na ang tanging dahilan at layunin ng pagkakalikha sa atin ay upang sumamba lamang sa Kanya.”Hindi ko nilikha ang mga jinn ( mga nilikhang hindi nakikita) at mga tao maliban ang sumamba sila sa Akin.” Kabanata Dhariyat, kabanata 51, talata 56.

 

Ito ang tunay na layunin ng ating buhay, ang tayo ay sumamba, magpasakop at tumalima sa kagustuhan ng ating Tagapaglikha. Ang isang tunay na naniniwala at sumasamba sa Allah, ang nag-iisang tagapaglikha, ay hindi lumalayo o umiiwas sa tunay na layuning ito kahit na siya ay isang bata pa lamang o isang matanda na. Ang pagsamba sa Allah ay nagbibigay kulay at sigla sa buhay ng isang tao lalo pa nga`t ang nilalayon niya ay ayon sa kagustuhan ng Allah. Ayon sa pananampalatayang Islam, ang buhay natin dito sa lupa ay panandalian lamang at hindi panghabang-buhay. Ang kamatayan ang siyang magsisilbing tulay natin tungo sa kabilang buhay. Ang buhay na ating patutunguhan sa kabila ay ibabase sa ating paniniwala at naging buhay sa daigdig. Doon ay pagkakalooban tayo ng karampatang parusa o gantimpala, ano man ang naging buhay natin sa lupa ang hatol ay sapat, walang labis at walang kulang.

 

Ang buhay pala natin dito sa lupa ay isang pagsusulit lamang at sa Araw ng Muling Pagkabuhay, dito ipahahayag ang resulta ng ating naging pagsusulit dito sadaigdig, pasado ba tayo o bagsak.

 

Sa Islam, batid ng mga Muslim na ang buhay dito sa daigdig ay isa lamang kasiyahan na lumilinlang sa ating kaisipan at kalooban. Ang ganitong malinaw na kaalaman ukol sa buhay, ang buhay pagkatapos ng kamatayan ang nagbibigay ng maliwanag na pananaw at pamantayan ng isang tao upang malaman niya ang tunay na layunin ng kanyang buhay.

 

Ang isang Muslim ay nakababatid na siya ay isang nilikha lamang ng Allah. Alam ng isang Muslim na mabubuhay siya sa maiksing panahon lamang, at sa panahong ito ay dapat na maging masunurin siya sa mga kautusan ng Allah dahil batid niya na tatanungin siya ng Allah sa lahat ng mga bagay na kanyang ginawa at mananagot siya sa lahat ng ito.

 

Ang kabilang buhay ang higit na dapat na paghandaan at pagtuunan ng pansin ng lahat. Buhay na walang hanggan ang ating patutunguhan- kaparusahan sa Impiyernong-Apoy o gantimpala sa Paraiso. Ang ganitong konsepto ng kawalang hanggan ng buhay sa kabila ay mayroong napakalaking epekto sa pamumuhay ng isang Muslim. Ang paniniwala sa kabilang buhay at sa Araw ng Paghuhukom, ang nagbibigay ng ibayong determinasyon sa isang nilalang upang sumunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ng kanyang Tagapaglikha upang maabot niya ang tunay na tagumpay- ang manirahan sa Paraiso na ipinangako ng Allah sa mga naniwala at sumunod sa Kanya.

 

Sa madaling salita, ang tunay na layunin ng isang Muslim sa kanyang buhay ay ang sumunod, tumalima, at ipasakop ang kanyang buong sarili sa lahat ng mga ipinag-uutos ng Allah. Sa kabilang dako, ang mga walang paniniwala sa kabilang buhay ay inuubos ang kanilang oras at panahon sa pagpaparami ng kanilang kayamanan, mga ari-arian at sa pagpapasarap sa buhay. Ang kasiyahan at kaligayahan dito sa daigdig ay pansamantala at panandalian lamang, ito ang dapat nitong malaman. Dalawa lang ang ating patutunguhan, Paraiso o Impiyerno. Alamin natin ang tunay na katotohanan, magsaliksik at mag-isip upang hindi maging talunan sa kabilang buhay.