O

 

Sa Islam, simula pa lamang ng likhain ng Allah ang mga kalangitan at mga kalupaan, at ang lahat ng nasa pagitan ng mga ito, at ang lahat ng mga bagay: ay mayroon nang sistema o batas na sinusunod- nasa ayos na ang lahat ng mga bagay. Na kung kaya, sa kapanahunan pa lamang ni Adam ay mayroon nang tamang sistema, tamang uri ng pamumuhay, na ang tao ay mayroon nang batas na sinusunod, sibilisado at makataong pamumuhay.

 

Ang Deen ay ang kumpletong kaparaanan upang maipamuhay ng wasto at tama ang buhay natin dito sa daigdig. Sa mga kanluraning bansa at sa mga nasakop nang mga ito, kapag pinag-usapan ang Deen (na isinalin na Relihiyon), ang sasagi sa kaisipan ng tao ay ang pang-ispiritwal lamang na aspeto. Ito raw ay personal na bagay lamang at ito ay ang ugnayan o relasyon sa pagitan lamang ng isang tao at ng kanyang Tagapaglikha. Sa madaling salita, sa labas ng Islam, hiwalay ang relihiyon sa pamumuhay ng mga tao. Ini-iisang tabi nila ang relihiyon, hindi ito kasama sa pamamahala sa buhay ng isang tao (pamahalaan). Ang sistema na kanilang pinaiiral sa kanilang lipunan ay hindi batas ng Tagapaglikha kundi batas na ginawa at binalangkas lamang ng mga tao; pinalalabas nila na mas matalino pa ang tao kaysa sa lumikha ng tao.

 

Sa loob ng pananampalatayang Islam, ang ibig sabihin ng Deen ay ang pakikipag-ugnayan o ang relasyon ng isang tao sa kanyang Tagapaglikha, sa kanyang sarili mismo, sa kanyang kapwa tao at ang pakikipag-ugnayan o relasyon niya sa kanyang kapaligiran. Ang Allah ay nagsabi sa Qur’an, Surah Al- Bayyina (Kabanata 98: 5): “At walang ipinag-utos sa kanila kundi sambahin ang Allah, at walang sino man ang may karapatang sambahin kundi siya lamang, sambahin siya ng dalisay (iwasan ang paglalagay ng katambal sa Kanya).Isagawa ang pagdarasal ng ganap at magbigay ng Zakat, iyan ang tamang relihiyon.”

 

Ang Deen ay ang batas, ang banal na batas na nagmula sa Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha. Kung ang bawat nasyon ay may kanya-kanyang sistema o pamamaraan (batas), ang Diyos pa ay wala upang tayo ay Kanyang mapamahalaan ng tama at makatarungan? Ang salita ng Allah ay hindi nababago Katulad ng sinabi ng Allah sa Qur’an, Surah Yunus (Kabanata 10:64): “la tabdila li kalimatil-lah, dhalika huwal fawzul adhim----Walang pagbabago sa salita ng Allah , ito ang dakilang tagumpay.”

 

Ang Deen o batas na galing sa tao ay nababago, nagkakamali, nakagagawa ng kawalang katarungan at pang-aabuso, subalit ang sa Allah ay hindi. Ito ay lagi nang maliwanag pa sa sikat ng araw, makatarungan, tuwid, walang kinikilingan o kinakampihan, at ito ang batas na sinusunod ng mga Muslim.

 

Ang Deen ay ang kumpletong pamamaraan ng pamumuhay, ang lahat ng aspeto ng pamumuhay ay sakop nito; kaya sa Islam, hindi maaaring ihiwalay ang relihiyon at ang mga batas, ang simbahan sa pamahalaan. Inilagay na ng Allah ang Kanyang Deen sa bawat tao. Na kung kaya, ang bawat isa ay nagtataglay ng likas na katangian sa kanyang sarili---ang pagkakakilala at pagkaaalam na mayroong Nag-iisa at Tanging Diyos na Tagapaglikha na nagpahayag ng mga batas at panuntunan na dapat sundin ng mga nilikha upang mailagay  at mapanatili nila ang kanilang buhay sa tamang landas sa pagtahak sa mundong ibabaw.

 

At ang natatanging Deen o relihiyon na mula sa Allah ay ang Deen-al-Islam. Sinabi ng Allah sa Qur’an, Surah Al-Imran (Kabanata 3: 19): “INNAD DEENA INDALLAH-HIL ISLAM--- walang pag-aalinlangan, ang deen sa paningin ng Allah ay ang Islam.” Ang ibig sabihin ng Islam ay ang pagsunod, pagtalima, pagpapasakop, pagsamba at pagsuko sa mga batas at kagustuhan ng Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha (Allah).

Ang dahilan kung bakit dapat mayroong tunay na Deen o relihiyon ay upang alisin ang tao sa pagkaka-alipin niya sa kanyang kapwa tao ( sa mga deen o mga relihiyon na ginawa at binalangkas lamang ng mga tao) at gawin siyang alipin lamang ng Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha. Ang tanging paraan lamang upang mapabuti ang sistema ng pamumuhay, mawala ang mga katiwalian at pang-aabuso at mga karahasan ay tanggapin ng mga tao ang pagiging makapangyarihan ng Nag-iisang Tagapaglikha. Ang lahat ng mga batas ay nararapat na batay sa patnubay ng Allah na Siyang may kaalaman ng lahat ng mga katotohanan at ang Siyang pinagkukunan ng lahat ng mga karunungan

Islam – Ito ang pangalan ng Deen (na isinalin bilang Relihiyon) na ipinagkaloob ng Allah sa lahat ng mga nilikha. Ito ang ipinadala Niya sa bawa’t Propeta at Sugo, sa bawa’t henerasyon, sa bawa’t lipi; na ang kahulugan nito ay pagpapasa-ilalim, pagpapasakop, pagtalima, pagsuko at pagsamba sa Nag-iisang Tunay at Tanging Diyos --- ang Allah; at pagsunod sa Kanyang mga Kautusan.

 

Ito ang ‘Deen ng kauna-unahang taong niliikha Niya, ang ating ninuno na si Adan, at ng lahat ng mga Propeta at Sugo na isinugo Niya. Sa katunayan, ang lahat ng mga isinugo ng Allah kahit na noong bago pa kay Propeta Muhammad, ay Islam din ang kanilang pamamaraan, pamamahayag at kumikilos din sila nang naaayon sa katuurang Islam. Ito ang ginagamit nila bilang uri ng kanilang pamumuhay sa lahat ng antas, sitwasyon at aspeto ng kanilang buhay.

 

Hindi lamang ito nauukol sa pakikipag-ugnayan ng tao (o nilikha) sa Lumikha sa kanya, na tinatawag nilang espirituwal na aspeto ng pamumuhay; kundi sakop din dito ang pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa tao, sa kanyang sarili at sa kanyang kapaligiran. Isang kumpletong uri ng pamumuhay, na tinataglay nito ang batas o sistema sa lahat ng larangan o aspeto ng buhay ng tao (mapa-espirituwal man ito o mapamateryal), na ang gumawa at nagtatag nito ay ang Allah at inihayag Niya ito sa Kanyang mga Sugo.