O

 

Ang Limang Haligi ng Islam

 

i…SHAHADATAYN-Upang makapasok ang isang tao sa kasunduan sa Allah, upang makapasok sa loob ng Islam, kinakailangang bigkasin niya sa pamamagitan ng bibig ang Shahadah. Ang unang bahagi nito ay ang pagtestigo na walang sinuman ang may karapatang sambahin maliban sa Allah. Aalisin natin ang lahat ng mga maling uri ng pagsamba sa ating mga kalooban at sa ating mga pagkilos. Mangangako tayo na Siya lamang ang ating sasambahin at hindi tayo sasamba sa mga diyus-diyosan at sa Kanya lamang mga nilikha.

 

At ang pangalawang bahagi naman ay ang pagtestigo na si Muhammad ay alipin at ang sugo ng Allah. Ang pagtanggap kay Muhammad bilang sugo ng Allah, ay katumbas ng pagtanggap sa lahat ng mga propeta at mensahero na isinugo ng Allah, dahil ang Propeta Muhammadr ay ang pinakasagka o ang pinakahuling propeta. Hangga’t hindi naniniwala ang isang tao sa pagiging sugo ni Propeta Muhammadr ay hindi siya maaaring tawaging naniniwala sa lahat ng mga propeta. Kahit na inaangkin ng isang tao na siya ay naniniwala sa katuruan ni Hesus at ni Moses at tapos ay hindi naman siya naniniwala sa dalang Mensahe ng Huling Propeta, hindi siya magiging tunay na mananampalataya sa harapan ng Allah.

 

ii…SALAH-ang pangalawang haligi ay ang pagdarasal. Ito ang pinakamataas na uri ng pakikipag-ugnayan natin sa ating Tagapalikha. Ang Propeta Muhammadr ay kinakailangan pang umakyat sa kalangitan upang tanggapin ang kautusan hinggil sa Salah. Ang pagkakaiba ng Muslim at hindi Muslim ay ang pagdarasal. Halos ipag-utos ng Propetar na sunugin ang bahay ng mga taong hindi nagdarasal sa Masjid. Sinabi ng Propetar: “Kung alam ninyo lamang ang gantimpala ng pagdarasal, baka kahit ang gumapang ay gagawin ninyo upang makuha lamang ito.”

 

Kaya nga kahit na ang isang taong maysakit, kahit sa pamamagitan na lamang ng kurap ng mata ay kinakailangang magdasal pa rin siya. Kung hindi niya kaya ang yumuko o tumayo, kahit ang umupo o humiga ay sapat na, ang mahalaga ay makapagdasal siya. Kahit na walang sapat na tubig, pwede siyang mag-tayammum (tuyong paglilinis) sa pamamagitan ng buhangin o alikabok. Sinabi ng Allah: “Bantayang ninyong mabuti ang inyong mga Salah, lalung-lalo na ang panggitnang Salah (Asr), at humarap sa Allah ng buong pagsusumamo.” Kabanata 2:238

 

Sinabi ng Propeta Muhammadr: “Ang kauna-unahang itatanong at titimbangin sa mga alipin ng Allah sa Araw ng Paghuhukom ay ang Salah. Kung ito ay mabuti, ang kanyang mga ginawa ay magiging mabuti rin; at kung ito ay masama (kulang-kulang, hindi kumpleto), ang kanyang mga ginawa ay magiging masama rin.

 

Sinabi rin ng Allah: “Ang mga mananampalataya na magtatagumpay ay yaong nagpapakumbaba sa kanilang mga panalangin” Kabanata 23:1-2

  

Ang taimtim at tunay na pananalangin na base sa pagpapakumbaba at pagpapasakop ay nagbibigay ng liwanag sa mga puso, naglilinis sa mga kaluluwa ng tao at nagtuturo sa mga mananampalataya ng tunay na kahulugan ng pagsamba at nagpapaalala sa kanyang mga obligasyon sa harapan ng Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha. Dahil sa pamamagitan lamang ng pagdarasal, naitatanim sa puso ng isang mananampalataya ang Kaluwalhatian at Kadakilaan ng Allah.

 

 Ang pagdarasal ay nagdudulot at nagkakaloob ng karangalan sa isang mananampalataya sa pamamagitan ng pagkakaroon niya ng napakataas at napakahusay na karakter tulad halimbawa ng pagiging makatotohanan, pagiging matapat, mapagpakumbaba, mahusay na integridad, maunawain, makatarungan, maaawain, matulungin at mapagbigay. Itinataas siya ng kanyang pagdarasal at idinidirekta siya sa harapan ng Nag-iisang Tunay na Tagapaglikha, na nagbibigay ng ibayong takot at tunay na pagmamahal sa Tagapaglikha.

 

 Sa ganitong pamamaraan ang kanyang moralidad ay napakataas, malinis ang konsensiya at kaluluwa kaya naman madali niyang naiisantabi ang magsinungaling, ang kahalayan, ang kasamaan, ang galit, ang pagiging mapagmataas na nagdudulot ng hindi pagiging makatarungan, pagka-inggit, kawalanghiyaan at pagsuway sa mga batas ng Allah. Ito ay patunay sa sinabi ng Allah: “Ang Salah ay pumipigil sa kahalayan at kasamaan. At ang pag-alaala sa Allah ay pinakamabuting gawain sa buhay. At batid ng Allah ang mga bagay na inyong ginawa.”Kabanata 29:45

 

ANG PAGDARASAL BILANG REMEDYO SA SAKIT NG PUSO

Madali tayong madadarang ng mga tukso, at madali tayong manghihina sa mga pagsubok na ibibigay sa atin ng Allah kung ang ating spiritual ay mahina. Ang iba pa nga, dahil sa kahinaan ng kanilang spiritual ay nagagawang sisihin ang Allah gayung wala naman tayong karapatan na sisihin Siya. Kapag mahina ang ating spiritual, magagawa nating sisihin ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin. Madali tayong mainis at mabugnot. Ang solusyon ay pakainin natin ang ating spiritual na katauhan sa pamamagitan ng Salah. Dito ay makikita natin ang tunay na pagkakapatiran at ang pagkakapantay-pantay nating mga Muslim, walang mahirap o mayaman, puti ka man o anumang kulay, sa pagdarasal ay iisa lamang ang ating pamamaraan.

 

Ang Salah ay mayroong porma at spirit. Ang porma nito ay ang pagdarasal ng katawan, ang sa spirit naman ay ang pagsamba ng puso. Ang puso at kaluluwa ng sinumang nagsasagawa nito ay magkakaroon ng dibinong liwanag. Ito ang bagay na nag-uugnay sa pagitan ng alipin at ng kanyang Tagapaglikha. Ang pagdarasal ay ang pinakamalaking tanda ng paniniwala, ang pinakamalahagang gawain ng pagsamba, at ang pinakasiguradong pamamaraan ng pagpapasalamat sa Allah sa lahat ng  mga biyayang ipinagkakaloob Niya sa Kanyang mga nilikha. Ang hindi pagsasagawa ng Salah ay ang paglayo sa awa ng Allah. Nangunguhulugan ito ng pagkawala sa taong ito ng Kanyang Awa, mga biyaya at kalinga. Ito ay ang pagtanggi sa kabutihan at basbas ng Tagapaglikha.

 

Ang tunay na pagdarasal (taimtim at ayon sa isinagawa ng huling propeta, Muhammadr) ay gamot sa sakit na sumisira sa puso at nagpapasama sa konsensiya at kaluluwa ng isang tao. Ang salah ay nagsisilbing liwanag na nagpapawi ng kasamaan ng kadiliman at ng kasalanan. Sinabi ni Abu Hurayrah (kalugdan nawa siya ng Allah) na sinabi ng Propeta Muhammadr: “Tingnan ninyo, kung kayo ay mayroong ilog sa tabi ng pintuan ng inyong bahay at naliligo kayo roon limang (5) beses isang araw, sa palagay mo ba ay mayroon pa ring duming matitira sa inyo? Sinabi nila (ng mga kasamahan ng Propetar ), “Wala nang duming matitira”. At pagkatapos ay sinabi niya: “Katulad din ito ng pagdarasal ng limang beses isang araw kung saan nililinis ng Allah ang ating mga kasalanan.” (Bukhari at Muslim)

 

Sinabi ni Abdullah ibn Umar (kalugdan nawa sila ng Allah) na sinabi ng Propeta Muhammadr: “Sinuman ang sadyang kinalimutan at kinaligtaan ang Salah ng Asr, ito ay parang naiwala o nawasak niya ang kanyang pamilya at ang kanyang ari-arian”. (Bukhari, Vol. 1, Hadith no. 527) Iwasan ang pagmamadali sa pagsasagawa ng Salah, dahil ito ay hindi katanggap-tanggap sa harapan ng Allah.

 

Ang lugar o ang direksiyon na ating hinaharapan ay direksiyon lamang ng dasalan, ang Ka’aba, kailanman ay hindi natin sinasamba kundi ito ay direksiyon lamang natin sa ating pagdarasal, ito ay sagisag ng pagkakaisa nating mga Muslim.

 

 

iii…ZAKAH- Ito ay ang purification, paglilinis at ang pagpapayabong pa ng ating mga salapi at kayamanan. Ang Zakah ay ang sobrang kinita ng isang Muslim na ibibigay niya sa mga nangangailangan, unang-una na sa kanyang mga kapatid na Muslim. Ang pera o kayamanan na nakaimpok o nakatabi na umabot nang isang taon na hindi ito nabawasan o nadagdagan at umabot sa halaga na dapat kuhanan ng Zakah ay ang pera o kayamanan na siyang kukuhanan ng Zakah. Kapag ang naimpok na pera ay umabot  o humigit sa halaga ng 85 gramo ng ginto, ito ay kukuhanan ng 2.5 %.

Para kanino ang Zakah?

a.)                 para sa mahirap na mahirap ang buhay (fuqarah) at para sa mga mahirap (miskeen)

b.)                 para sa mga nagpapalaganap ng Islam at para sa mga nakikipaglaban ng alang-alang sa Allah

c.)                 para sa mga manlalakbay na naubusan ng pera upang tustusan ang kanyang paglalakbay

d.)                 para sa mga bagong Muslim at sa hindi pa Muslim upang mahikayat sila sa Islam

e.)                 para doon sa mga nabaon sa utang na nawalan ng kakayahan na mabayaran ang mga ito.

f.)                   para doon sa mga taong nagtatrabaho sa mga organisasyon ng Zakah

 

Maraming kadahilanan kung bakit kinakailangang magbayad tayo ng Zakah:

a.)                 Para linisin natin ang ating mga kinita

b.)                 Ito ay nagpapaalaala sa atin na sa katotohanan ang lahat ng ating tinataglay ay hindi natin pag-aari, kundi ipinahiram lamang at ipinagkatiwala lamang sa atin ng Allah.

c.)                 Ito ay responsibilidad ng mga taong may kakayanang magbayad nito na siyang tutulong sa ating kapwa tao upang hindi magkaroon ng kaguluhan at inggitan sa komunidad

d.)                 Ito ay ang pagtanaw ng utang na loob sa Allah at bilang isang uri ng pagsamba, pagpapakita ng pagpapasakop at pagpapasalamat sa lahat ng mga biyaya mula sa Allah.

e.)                 Isang pamamaraan ng pagpapagaan sa paghihirap ng mga nangangailangan

f.)                   Upang magamot natin ang ating mga sarili mula sa selfishness at pagiging sakim

g.)                 Upang maipakita na tayo ang kumukontrol sa ating mga kayamanan, hindi ang kayamanan ang kukontrol sa atin

 

iv…SAWM-ito ay ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan (Ika-9 na buwan sa Islamikong Kalendaryong Lunar). Ang pag-aayuno ay proteksiyon laban sa naglalagablab na apoy ng impiyerno. Sinabi ng Allah: ‘Ang sinumang taong nag-ayuno ng alang-lang sa Akin ay magkakaroon ng dalawang kagalakan, ang una ay kapag natapos niya ang kanyang pag-aayuno sa araw na yaon at ang pangalawa ay kapag nakaharap niya Ako sa kabilang buhay.” Ang sinumang nag-ayuno ng alang-alang sa Allah, ilalayo siya ng Allah ng pitumpung-taon ang layo mula sa impiyernong-apoy.

 

Ang pag-aayuno ay isang gamot din para sa tao. Kapag tayo ay kumakain ang lahat ng dumi sa ating sikmura ay hindi kaagad-agad naaalis. Maaalis lamang ito sa pamamagitan ng pag-aayuno, lilinisin nito ang ating sikmura, aalisin nito ang lahat ng dumi sa ating tiyan. Kaya nagiging malusog ang isang tao kapag siya ay nag-aayuno. Kapag ang isang Muslim ay nag-aayuno, bawal sa kanya ang bawal at ang hindi bawal. Kahit na ang pagkain ay nasa sa iyong harapan ay hindi mo kakainin sa dahilang ikaw ay nag-aayuno. Pagkatapos na mag-ayuno ng isang tao, nakatanim na sa kanyang kalooban ang kapasidad upang kontrolin ang kanyang sarili.

 

Kapag merong isang bagay na tukso o pagsubok sa kanyang harapan, madali na niya itong mahaharap at mapaglalabanan. Ang self-discipline, self-restraint at ang ability to control our desire bago natin magawa ang isang pagkakamali ay nadedevelop sa tulong ng ating pag-aayuno. Nagtatanim ito sa kalooban ng isang tao nang katatagan laban sa anumang pagsubok, kahirapan at tukso. Ang pag-aayuno ay nagbibigay sa atin nang pagkakataon na maranasan ang gutom na nararanasan ng mga kapatid nating mahihirap. Kapag naranasan natin kung papaano ang magutom, kung papaano ang walang makain, hindi tayo magdadalawang-isip na tumulong sa mga mahihirap, sa mga nagugutom at mga nangangailangan.

 

Ang pag-uutos sa atin na mag-ayuno ay isang pagsubok din kung tayo ba ay susunod o hindi sa kagustuhan ng Allah. Sinabi ng Allah: “O kayong mga mananampalataya! Ang pag-aayuno ay ipinag-utos sa inyo at ipinag-utos din sa mga taong nauna sa inyo upang kayo ay magkaroon ng tunay na pagkatakot sa Allah.”

 

 

v…HAJJ-peregrinasyon o paglalakbay patungo sa Al-Ka’aba (ang Banal na Tahanan ng pagsamba sa Allah) sa Makkah, na naglalayon na sumunod at magpasakop sa kautusan ng Allah at isagawa ang mga ritwal ng pagsamba sa buwan ng Hajj. Ito ay obligado sa isang taong may kakayahang magsagawa nito, physically (sa pamamagitan ng kanyang sarili) at financially (sa pamamagitan ng kanyang salapi) minsan lamang sa kanyang buhay. Ang pagsasagawa ng Hajj ay ipinag-utos na noon pang kapanahunan ni Propeta Abrahamr, at ito ay naging patuloy na obligasyon sa lahat ng mga mananampalataya hanggang sa ating henerasyon.

 

Ito ay isinasagawa sa unang sampung araw hanggang sa ikalabing-tatlong araw ng Dhul-Hijjah. Sa ikawalong araw (at least) ay ang pagtungo sa Mina, sa ika-9 araw ay ang pagtungo sa Arafat kung saan ay nagpapaalaala sa atin sa magaganap na pagtitipon ng lahat ng tao sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Sa ika-10 araw ay ang Eid-ul-Adha (Ang Pista ng Pagsasakripisyo) kung kailan ang mga nagsasagawa ng Hajj (Hajji) ay magkakatay ng kani-kanilang mga sakripisyo. Ang ika-11 hanggang ika-13 ay ang pananatili sa Mina.

 

Ang sinumang nag-Hajj na Mabrur (katanggap-tanggap na Hajj), ang gantimpala sa kanya ng Allah ay ang paglilinis ng lahat ng kanyang mga kasalanan, na siya ay parang bagong silang na sanggol na wala man lamang bahid dungis na kasalanan. Ang mga major o malalaking kasalanan ay mapapatawad lamang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Hajj at sa pamamagitan ng sincere o taimtim na paghingi ng kapatawaran sa Allah.

 

Sa ating pagdarasal, ang napapatawad lamang ay ang minor sin, ganun din sa pagitan ng pag-aayuno sa isang taon at sa isang taon, sa pagitan ng Biernes at sa susunod na Biernes. Ang kasalanan lamang na patatawarin sa pagsasagawa ng Hajj ay ang mga kasalanan na nagawa laban sa Allah (hindi pagdarasal, pag-inom ng alak, pagsusugal, paniniwala sa mga magic, anting-anting atbp.), subalit ang kasalanan na nagawa sa isang tao o sa kapwa ay hindi patatawarin ng Allah hangga’t hindi ka humihingi ng tawad sa iyong pinagkasalahan at patawarin ka ng taong yaon.

 

Kaya bago tayo magsagawa ng Hajj, kinakailangang isipin muna nating mabuti kung sino ang mga taong ating pinagkautangan at pinagkasalahan at humingi muna tayo sa kanila ng kapatawaran sa pagkakamali at kasalan na ating nagawa sa kanila at bayaran natin ang ating mga utang. Kung sinuman ang nagsakripisyo at nagsagawa ng Hajj alang-alang sa Allah, ipagkakaloob ng Allah lahat ng kapatawaran sa taong yaon. At kung sakali naman at hindi kayang tugunan ng katawan o ng salapi ang magsagawa ng Hajj, hindi obligado para sa kanya ang mag-Hajj.