O

 

Sa Islam, ang Tagapaglikha at ang Tagapangasiwa ng lahat ng mga nilikha ay tinatawag na Allah. Sa English, siya ay tinatawag na God, sa Tagalog Diyos; sa iba naman ay Yahweh o Jehovah. Ganon din sa ibat-iba pang mga lengguwahe katulad sa Malaysia na “Tuhan” ang tawag nila. Subalit ang mga Muslim sa lahat ng panig ng mundo ay tinatawag Siya sa iisang common na salita- Allah- ang natatangi at nag-iisang tunay na Diyos. Ang Allah ay nabanggit sa Banal na Quran sa 99 na pamamaraan ng ayon sa Kanyang Katangian, katulad halimbawa ng Ang Kataas-taasan, ang Pinakamaawain, ang Pinakamahabagin, ang Tagapangasiwa, ang Tagapagpanukala at iba pa.

 

Sa ngalang ito ang lahat ng mga Muslim sa lahat ng parte ng mundo, kahit na siya ay isang Amerikano, Pilipino, Chinese, French, Indian o Indonesian ay tumatawag sa Diyos sa iisang pangkalahatang katawagan- Allah - na may magkakatulad na pagka-unawa at pagka-intindi.

 

Sa Islam ay walang mga Diyos o Diyosa, o di kaya’y Diyos na may pisikal na kaanyuan, katulad ng kanyang mga nilikha o nagkatawang-tao, naghirap o nagpakasakit na katulad ng kanyang mga nilikha lamang. Ang Allah ay hindi nangangailangan ng isang anak o kapartner upang tumulong sa Kanya, , wala siyang kapara, kawangis, kauri, kasama, katambal, kapareha; hindi rin siya nagkatawang tao upang maintindihan ang problema ng mga tao, o para iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasakripisyo.

 

Alam Niya ang lahat ng mga nakatago at ang lahat ng mga bagay (nakikita man o hindi nakikita). Alam rin ng Allah kung saan at kung kailan ang isang dahon ay mahuhulog mula sa puno. Sinabi Niya: “Siya ang Tagapaglikha ng mga Kalangitan at ng mga kalupaan. Ang mga susi ng mga Kalangitan at ng kalupaan ay Kanyang pag-aari. (42:11-12)

 

Ang mga katangian ng Diyos ay dalisay at malayo sa limitadong pagkakaintindi o pagkakaunawa ng ating limitadong kaisipan. magkaganunpaman, Siya ay lagi nang malaapit sa atin. Siya ang natatanging dapat nating paglaanan o pag-ukulan ng pagsamba, ang lahat maliban sa Kanay ay mga nilikha lamang at hindi maaaring ihalintulad sa Kanya. Siya ay Eternal, walang simula o katapusan. ang katagang Allaah ay ang personal na Pangalan ng Natatanging Rabb (Diyos o Panginoon) ng Al-Aa-lamin (lahat ng mga nilikhang bagay).

 

Hindi tao ang nagpangalan sa Kanya, kundi Siya mismo ang nagpakilala sa Kanyang sarili. ang katagang Allaah ay hindi imbento o likha lamang ng isang tao base sa kanyang limitadong kaisipan. ito ang pangalang sinabi niya sa lahat ng mga propeta at mensahero, kaya marapat lamang na ito ang ating gamitin at dito natin Siya tatawagin sa kanyang personal na pangalan..

 

At ang pangalan ng Nag-iisang Tagapaglikha sa wikang Arabic ay Allaah. Ito ang Kanyang Pangalang Pantangi, ito ang pangalang pantangi ng Rabb ng Al-Aa-lamin (ng sangkatauhan, ng mga Jinn at ng lahat ng mga bagay). bukod tanging pangalan, Natatangi, walang katulad, walang kaparis na pangalan. Siya lamang ang nagtataglay ng napakagandang pangalang ito. kaya kami bilang mga Muslim, upang mapanatili namin sa kadalisayan ang Kanyang pangalan, ay sinasanay namin ang aming mga sarili na gamitin ang pangalang Arabic na Allaah.

 

Hindi sapat na gamitin natin ang salitang Diyos, sapagkat ang katagang diyos ay nagkakaroon ng kasarian katulad halimbawa ng pangalang panlalaki (diyos), pangalang pambabae (diyosa) at pangalang pangmaramihan (mga diyos). Maging sa wikang English ay hindi rin sapat na kahulugan ng Allaah ang salitang God, sapagkat pwede itong tawaging Gods, Goddess, Godlings etc. kaya kung ano ang pinili Niyang pangalan sa Kanyang sarili, mas makabubuti na ito ang sanayin na gamitin upang hindi madungisan ang isa sa napakaganda Niyang pangalan.

 

Ang Pangalang Allaah ay hindi pwedeng itawag sa Kanyang mga nilikha, na tulad ng ginagawa sa labas ng Islam, na yaong mga katangian at pangalan ng Allaah ay ipinapangalan nila sa mga nilikha lamang ng Allaah. Tanging ang nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha lamang ang may karapatang tawaging Allaah.